MANILA, Philippines – Nasawi ang tatlong minero makaraang aksidenteng malanghap ang nakalalasong gas sa loob ng isang minahan sa Loacan, Itogon, Benguet.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Sabado Maliongan, 22; Igan Lomebyang, 25 at Ricky Licawen; pawang residente ng nasabing lugar.
Ang bangkay ng mga biktima ay nadiskubre kamakalawa ng alas-6:00 ng umaga ng kanilang kasamahang minero na si Francis Dagayon.
Ayon kay Dagayon na pumasok siya sa tunnel ng minahan upang hanapin ang mga kasamahan at nagulantang ng bumulaga sa kaniya ang bangkay ng tatlo.
Batay sa imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon noong Miyerkules nang pumasok sa minahan ang tatlong biktima sa nasabing lugar, subalit hindi nakauwi ng kanilang mga bahay kinagabihan kaya’t hinanap ito ni Dagayon kinabukasan ng umaga at nadiskubre ang mga bangkay.
Ipinagbigay-alam ni Dagayon sa kanilang employer ang insidente na siya namang nag-report sa pulisya para maiahon ang mga bangkay.