MANILA, Philippines - Naging madugo ang pagdaraos ng isang Bible study sa isang detachment ng militar matapos na ito ay pagbabarilin ng isang nag-amok na sundalo na ikinasawi ng limang dumadalo habang nasawi din ang suspek nang siya ay pagbabarilin ng mga nagrespondeng kabaro kahapon ng umaga sa Upper Cabengbeng, Sumisip, Basilan.
Namatay noon din sina 2nd Lt. Alvin Ebina; Corporal Robert Jondayran; Pfc Jessrell Calud;1st Lt Camlon Martin Puao; Staff Sgt. Jonathan Galicto at ang suspek na kinilalang si Corporal Taha.
Ang mga nasugatan ay nakilala namang sina 1st Lt. Pada Guingar; Technical Sgt. Gerry Cardoza, Sgt Anthony Bentoy, Pfc Elber Noble, Pfc Ruel Macalapay, Pfc Nelson Calambro, Pfc Junnel Cajote, Pfc Rolly Espanola Jr. at Pastor Rolly Matson.
Si Taha ay may 12 taon na sa serbisyo at umano’y tila wala sa sarili na may malalim na iniisip ng bumalik at magreport sa serbisyo, ilang oras bago naganap ang malagim na pagmasaker nito sa kaniyang mga kasamahang sundalo.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:45 ng umaga sa detachment ng Bravo Company ng Army’s 64th Infantry Battalion (IB) sa nasabing lugar ay abala sa Bible study ang grupo ng mga sundalo nang bigla na lamang dumating si Taha na may bitbit na M16 rifle at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang mga biktima.