MANILA, Philippines - Nadakip ng mga otoridad ang isa sa 4 na suspek sa pagtangay sa P2.4 milyon na laman ng isang automated teller machine (ATM) noong October 13, 2015 sa Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Normil Bolong, 43, security guard ng G4S, Block 25, Exodus Floodway, Sta Ana, Taytay Rizal.
Nabatid na si Bolong ay dating kawani ng BPI bank 2nd man compliance maintenance technician at security guard ng G4S Cash Solutions Philippines na naaresto kamakalawa ng gabi sa Wells Fargo Fort Mckinley, Taguig City.
Bago naaresto ang suspek ay nakipag-ugnayan muna ang mga otoridad sa management ng G4S Cash Solutions Philippines at nagsagawa ng background check sa mga dati at kasalukuyang security personnel nito lalo na ang mga nakatalaga bilang security escorts ng mga bangko ng ATM maintenance at naglalagay ng pera sa makina.
Nagawang makakuha ng mga operatiba ng larawan ni Bolong na kung saan ay positibong kinilala ito ng dalawang tecnicians ng BPI bank na siyang tumutok sa kanila ng baril at tumangay ng pera ng ATM bago nagsipagtakas kasama ang tatlo pang suspek sakay ng tig-isang motorsiklo.
Lumalabas na ang nasabing makina ay sadyang sinira ng hindi natukoy na tao para mabuksan ito ng mga tecnician at ayusin.
Kaya habang ginagawa ng mga technician ang makina ay lumutang ang mga suspek na mga nakasuot ng crash helmets at surgical mask bago tinangay ang pera.