MANILA, Philippines - Masaklap ang sinapit na kamatayan ng isang mister matapos itong lapain ng limang asong Belgin Malinois sa Brgy. Camanag Riverside, Urdaneta City, Pangasinan.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Lito Abucayan, 25, nagtamo ng malalalim na kagat mula sa pangil ng limang nabanggit na aso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa naantalang ulat ng Urdaneta City Police, naitala ang insidente dakong alas-7:00 ng gabi noong Linggo habang naglalakad sa nasabing lugar ang biktima.
Nabatid na ang biktima ay may karamdaman umano sa pag-iisip ng habulin ito ng limang asong nabanggit na pag-aari ng isang residente sa lugar.
Nagawa pang makaakyat ng biktima sa isang mababang puno ng niyog, pero dumausdos ito pababa at dito na ito pinagtulungang sagpangin ng limang aso.
Nagkataon namang walang tao sa lugar nang mangyari ang insidente ng pag-atake sa biktima ng limang asong na nakawala sa gate ng bahay ng may-ari sa mga aso.