MANILA, Philippines - Isang estudyante ng Lyceum of the Philippines University (LPU) sa Cavite na sakay ng kotse at magkapatid na lulan ng motorsiklo ang nasawi nang sila ay magsalpukan kamakalawa sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Biga 2, Silang, Cavite.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Abigail Castrence, driver ng kotse na Toyota Vios Sedan (XSJ-194), estudyante ng LPU, residente ng Dasmariñas, Cavite, at ang magkapatid na sakay ng motorsiklo na sina Sonny Boy Austria 33, driver at ang kapatid nitong angkas na si Jay Austria.
Malubhang nasugatan ang angkas ni Abigail na kapatid nito na si Mary Grace Castrence at Princess Arica Preclarto, residente ng Brgy. Hugo Perez Trece Martirez City, Cavite.
Batay sa ulat, alas 6:00 ng umaga ay binabagtas ng magkapatid na sakay ng motorsiklo ang nasabing highway patungo sa south direction nang masalpok ang kotse ni Abigail.
Sa lakas ng impact ay kapwa tumilapon ang magkapatid na Austria habang ang kotse naman ni Abigail ay sumalpok sa poste na ikinaipit nito.
Nabatid na dahil sa kalakasan ng bagyong Lando ay hindi masyadong makita ang daanan at madulas pa ang kalsada na naging umano dahilan ng salpukan.