3.5K pamilya inilikas dahil kay Lando
MANILA, Philippines - Umaabot sa 3,552 pamilya (14,314-katao) ang nailikas sa mga ligtas na lugar dahil sa bagyong Lando na nanalasa sa northern at Central Luzon kahapon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) head Alexander Pama, dahil nagpapatuloy ang pagbuhos ng ulan, posibleng ang pigura ay madagdagan pa.
Samantala, may 3,315 pamilya na rin (14,016-katao) ang nasa mga evacuation center habang aabot naman sa 277 pamilya (1,406-katao) na nasa kani-kanilang kamag-anak.
Ayon kay Pama, nag-uumpisa nang umapaw ang mga ilog partikular na sa Kalinga, Isabela, Cagayan, at sa Quirino dahil sa patuloy na buhos ng ulan.
Maging ang mga residente sa Aurora, ibang bayan sa Cagayan, Quezon, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Rizal, Apayao ay nagsilikas na rin.
Naapektuhan din ang supply ng kuryente at komunikasyon sa Dinalungan, Dingalan, Casiguran.
Hindi na rin madaanan ang pitong tulay dahil sa landslides, pagbaha, at pagbagsak ng mga debris.
Pinayagan na rin ng DepEd ang mga LGU na gamitin ang mga paaralan para gawing evacuation centers.
Umabot na sa P294, 217 pondo ng disaster assistance ang naibigay sa LGUs kung saan aabot sa 40,000 family packs ang ipapadala sa bayan ng Baler, Aurora at Isabela.
Naipamahagi na rin ang P1.9 milyong halaga ng gamot sa Region 3 kung saan may nakaantabay pa na P17-milyong halaga ng gamot sa central office.
Iminungkahi naman ng NDRRMC na puwersahang paglilikas sa mga residente mula CAR sa lahat ng barangay na landslide, flood prone areas.
- Latest