MANILA, Philippines - Napatay ang 26-anyos na college student ng St. Lukes Institute Kabacan matapos magtamo ng maraming pasa sa katawan sa initiation ng fraternity sa bayan ng Kabacan, North Cotabato kahapon ng hapon.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Ronnie Cordero, hepe ng Kabacan PNP kinilala ang biktima na si Bobong Bualan na kasalukuyang nangungupahan sa Bai Matabay Plang Village II-A sa Barangay Poblacion.
Batay sa police report, bago ang insidente ay kasama pa ng biktima na pumasok sa boarding house ang estudyanteng si Leo Terante sa panulukan ng Aglipay at Bonifacio Street sa Kabacan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang nahimatay ang biktima habang nakaupo sa balkonahe ng nasabing boarding house.
Kaagad na isinugod si Bualan sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklarang patay.
Ayon sa ulat, nagtamo ng maraming pasa at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima matapos itong pagpapaluin ng mga kabaro mula sa Tau Gamma Phi Sigma na nakabase naman sa University of Southern Mindanao Chapter.