MANILA, Philippines - Nasawi ang dalawang sundalo nang sila ay pagbabarilin ng mga kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na ambush sa highway ng Brgy. Calantas, Calaca, Batangas kamakalawa ng gabi.
Ang mga nasawing biktima ay kinilalang sina Pfc. Jay Lozano, 29, Marcos, Ilocos Norte at Pfc. Ferri Jan Gabica, 26, Kapatagan, Lanao del Norte na kapwa miyembro ng Philippine Army ay nakalataga sa DMCI, Brgy. Dacanlao.
Batay sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi ay lulan ang dalawang sundalo ng Yamaha sniper motorcycle (5433TD) at binabagtas ang kahabaan ng nasabing lugar nang tambangan ng mga rebelde na nakaposisyon sa tabi ng highway na nagtago sa damuhan.
Kapwa agad binawian ng buhay sa insidente ang dalawang sundalo.
Kinondena naman ni AFP Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Ricardo Visaya ang insidente dahilan sa wala sa combat operation ang mga nasawing sundalo.