MANILA, Philippines – Nagsagawa ng isang kilos protesta ang nasa 2,000 miyembro ng United Filipino Seafarers sa harap ng tanggapan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa Taft Avenue, Manila upang iparating ang kanilang hinanakit sa mali umanong pamamalakad.
Sinabi ni Susan “Toots” Ople, chairperson ng OFW Advocates Coalition, na nangakong dadalhin niya sa Senado ang problema ng mga marino kung hindi ito madadala sa pananawagan upang sa ganun ay maimbestigahan ang mga umano’y anomalya na nagpapahirap sa mga marino.
Nag-ugat ang kilos protesta dahil sa pagpapatupad ng MARINA sa mahabang Management Level Course na hindi naman naaayon sa IMO STCW Convention.
Ayon kay Engr. Nelson Ramirez, ang salitang Management Level Course ay inimbento lang ng MARINA dahil hindi naman ito nababasa sa IMO STCW Convention 2010 Manila Amendments.
Kinondena ng UFS ang 90% passing average sa limang competency sa OIC Level at mahigit sampung competency sa Management Level at ang sobrang taas umano ng passing percentage na ito ay ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mga Pilipino at hindi rin ito ginagawa sa ibang propesyon.
Binatikos din ng UFS ang pagpakuha ulit ng licensure examination sa mga opisyales ng barko kung hindi nila nagamit ang kanilang lisensiya.