MANILA, Philippines - Matapos na makalaya kamakailan nang magpiyansa ng P11.6 milyon sa kasong murder kaugnay ng Maguindanao massacre na kumitil ng 58 katao na ang 32 rito ay mga mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 ay naghain ng kanyang certificate of candidacy si Sajid Islam Uy Ampatuan para sa pagkamayor ng Shariff Aguak sa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jejomar Binay.
Magiging running mate nito si incumbent Shariff Aguak Vice Mayor Bai Anhara Ampatuan at makakalaban ang kanyang pinsan na si Mayor Datu Maroph Ampatuan, at si dating Mayor Zahara Ampatuan na asawa ng kanyang kapatid na si Anwar.
Si Sajid ang isa sa mga itinuturong suspek sa masaker kasama ang kanyang namatay na ama, mga kapatid na sina Zaldy, Anwar at Andal Jr at maraming iba pa.
Naghain na rin ng COC ang kanyang misis na si incumbent Mayor Zandria Sinsuat-Ampatuan na kakandidato muli sa pagka-alkalde sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.