MANILA, Philippines - Nagdagdag ng puwersa ang Philippine National Police (PNP) ng elite units kasunod ng ambush slay sa isang alkalde na ikinasugat rin ng anim na iba pa kamakalawa sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, nais niyang masiguro ang pag-iral ng peace and order sa Tungawan matapos na mabahiran ng dugo ang pagsusumite ng COC kaya iniutos ang deployment ng karagdagang elite units ng PNP.
Magugunita na bandang alas-3:50 ng hapon nitong Lunes nang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang sinasakyang pick-up service SKH 202 ng mga biktima sa highway ng Brgy. Cayamcam, Tungawan, Zamboanga Sibugay at dito ay napaslang si Tungawan Mayor Randy Climaco habang sugatan naman sina Vice Mayor Abison Abduraok, driver ni Climaco na si Charlie dela Cruz, Brgy. Chairman Ernesto Segualan, mga escorts na sina Fortunato Mangubat, Carlnan Climaco at Jembot Recalde.
Ang insidente ay naganap matapos na magsumite ng certificate of candidacy (COC) si Climaco para sa pagtakbo naman nitong bise alkalde sa kanilang bayan habang pabalik na ang mga ito sa Brgy. Poblacion, Tungawan.