MANILA, Philippines – Sa kasalukuyang bilang at unang araw nang paghahain ng certificate of candidacy kahapon ay umabot sa 22 kandidato ang tatakbo sa pagkapangulo.
Kabilang sa naghain ng COC sa pagkapangulo ay sina Vice President Jejomar Binay; Augusto Syjuco Jr.; Elly Pamatong; Ephraim Defiño; David Alimorong; Ralph Masloff; Camilo Sabio; Freddiesher Llamas; Danilo Lihaylihay; Adolfo Inductivo; Sel Hope Kang; Ferdinand Jose Pijao; Ramon Concepcion; Ferdinand Fortes; Eric Negapatan; Gerald Arcega; Leonardo Bulabula; Alejandro Ignacio; Arsenio Dimaya; Arturo Reyes; Esmeraldo Reyes at Rizalito David, ang naghain ng disqualification case laban kay Senator Grace Poe.
Samantala, dalawa sa pagkabise presidente at anim na senatorial candidate ang naghain ng kanilang mga COC kahapon.
Sina Senator Gringo Honasan at Myrna Mamon ang unang dalawang naghain ng COC sa pagkabise presidente.
Muli namang susubukin ni dating senador Panfilo Lacson na makabalik sa senado; Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na sinuportahan ng aktres na si Angel Locsin; Ricky Bacolod; Angel Ridoble; Victoriano Inte at Daniel Magtira na dati nang tumakbo sa pagkapangulo noong 2013 at nagpakilalang asawa ng presidential sister na si Kris Aquino.
Wala pang inilalabas ang Comelec na guidelines kung paano matutukoy ang nuisance candidate kaya’t hindi mapipigilan ang sinuman na gustong maghain.
Sa buwan pa ng Disyembre inaasahang malilinis ang listahan ng mga pangalan ng mga kandidato.
Matapos ang filing ng COC ay isa-isang bubusisiin ng Comelec ang mga kandidato at sa ilalabas ang final list of candidates na pumasok sa requirements na itinakda ng batas.
Sa Pebrero naman mag-uumpisa ang campaign period para sa national positions.