MANILA, Philippines – Naghain si UNA standard bearer Vice President Jejomar C. Binay kasama ang running mate na si Sen. Gregorio Honasan ng kanilang certificates of candidacy kahapon sa opisina ng Commission of Elections sa Intramuros.
Ang “BinGo” team ang kauna-unahang tandem na naghain ng kanilang COC bilang presidente at bise presidente sa unang araw ng isang linggong paghahain ng COC.
Ang Bise-Presidente ay sinamahan ng misis niyang si Elenita at kanilang mga anak na sina Sen. Nancy Binay at suspended Makati Mayor Junjun Binay.
Ilang minuto bago ang pagsisimula nang paghahain ng COCs ay kinumpirma ni Honasan na tatakbo siyang bise presidente.
Maaga pa lang ay dumating na ang mga supporter ng BinGo sa Palacio del Gobernador grounds na may kasamang banda at nakasuot ng Binay.
Ayon kay Binay na inspirasyon niya ang mahihirap sa kanyang pagtakbo na tulad niya na isang dating mahirap din kaya’t ipaglalaban niya ang karapatan ng mga mahihirap at iaangat ang kabuhayan ng mga mahihirap kapag nahalal na pangulo ng bansa.
“Sa napakahabang panahon, sa ilalim ng napakaraming administrasyon, iisa ang laging nakakaligtaan ang matugunan ang daing ng mahihirap. Walang saysay ang pag-unlad kung hindi kasalo ang nakararami. Ito ang dapat pagtuunan ng pamahalaan. Ito ang aking pagtutuunan kapag ako ay mahalal bilang pangulo ng bansa.”, pangako ni Binay.
“Sila ang aking inspirasyon. Sila ang aking ipaglalaban at paglilingkuran.”, pagwawakas ni Binay.