Caloocan PNP hiling mapasama sa NCRPO
MANILA, Philippines – Ipinapanukala ng pamunuan ng Caloocan City PNP na panahon na para gawing Police District Office ang istasyon dahil sa lawak ng nasasakupan at dami ng populasyon ng nasabing lungsod na maikukumpara sa Maynila at Quezon City. Ito ang inihayag ni Caloocan City PNP chief P/Senior Supt. Bartolome Bustamante makaraan ang ilang ulat mula sa Northern Police District na pinakamataas ang antas ng krimen sa Caloocan kumpara sa Malabon, Navotas at Valenzuela City na bumubuo sa Northern Manila.
Ngunit sinabi ni Bustamante na hindi patas na ikumpara ang Caloocan sa tatlong mas maliliit na lungsod. May kabuuang populasyon umano ang Caloocan na 1.6 milyon na mas mataas pa kumpara sa 1.1 milyong pinagsama-samang populasyon ng tatlong lungsod.
Mas tama umano na ikumpara ang Caloocan City PNP sa Quezon City Police District at Manila Police District dahil sa ikatlo ang lungsod sa populasyon habang ikalawa naman sa pinakamalawak na lupain kasunod ng Quezon City.
Inihahanda na umano ng Caloocan Police ang mga dokumento para sa pormal na paghiling sa pamumuan ng Philippine National Police na gawing police district ang Caloocan na tatawaging Caloocan City Police District at hihiwalay na sa NPD.
Kung mangyayari ito, ang 850 kabuuang puwersa ng pulisya sa lungsod ay aakyat sa 2,000 habang mapupunan na rin ang kawalan ng presinto sa ilang malalaking lugar sa lungsod tulad ng Gen. Luis na may tatlong malalaking barangay at Baesa. Kumplikado rin umano ang posisyon ng Caloocan City na nahahati sa dalawang magkahiwalay na North at South district na tila magkahiwalay na isla at daraan pa sa Quezon City bago mapuntahan.
Dahil dito, nahihirapan ang pulisya na makaresponde sa mga nagaganap na krimen dahil sa layo ng biyahe mula District 2 tungo sa District 1 na kapos sa tauhan.
- Latest