MANILA, Philippines – Susuportahan ng nasa 200,000 miyembro ng Federation of Free Workers (FFW) sa pagka-pangulo ng bansa sa nalalapit na eleksyon sa Mayo 2016 si Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay FFW president Sonny Matula, si Binay ang kanilang susuportahan sa kanyang presidential bid dahil sa kanilang paniniwala sa kakayahan nito na patakbuhin nang maayos ang bansa.
Matagal na umano nilang kilala si Binay sa pagiging pro-labor lawyer at tumutulong sa mga manggagawa bago pa siya pumasok sa gobyerno.
Sinabi ni Matula na mula sa mga presidentiables, si Binay lamang ang klarong pro-labor at pro-social programs at maaasahan din ito sa pagsuporta sa kapakanan ng mga manggagawa sa kanilang ipinaglalaban at mga karapatan.
Tinukoy ni Matula ang dating naging papel ni Binay bilang Presidential Adviser on OFW Concerns, kung saan direkta umanong tumulong ang Bise Presidente sa libu-libong nagigipit na overseas Filipino workers (OFWs) at sa kampanya nito laban sa human trafficking, at binigyan din nito ng ayuda ang mga nabusong kababaihang domestic workers dito at sa ibang bansa.
Bilib din si Matula sa plataporma ni Binay na naka-sentro sa paggawa pa ng maraming trabaho para sa lahat ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagbuhay o pagsariwa sa agrikultura at pagmamanupaktura at pagsulong sa turismo.
Idinagdag pa ni Matula na ibibigay nila ang buong suporta kay Binay hindi lamang sa kanyang kandidatura kundi maging ang mga labor program nito upang makapagbigay ng maraming trabaho at magkaroon ng disenteng trabaho at pamumuhay ang lahat.