MANILA, Philippines - Ibinulgar kahapon ng isang security officer sa Western Mindanao na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasa likod nang pagdukot kay dating Italian priest at ngayo’y negosyanteng si Rolando del Torcio sa Dipolog, Zamboanga del Norte noong Miyerkules ng gabi.
Tinukoy ng opisyal na ang grupo ni Saher Muloc alyas Commander Red Eye, lider ng Muloc Group na ang mga tauhan ay mga dating Moro National Liberation Front (MNLF) fighters at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na aktibo na ngayon sa kidnapping at iba pang illegal na aktibidades ang nasa likod ng pagbihag kay Del Torcio.
Nabatid na si Red Eye ay tumatayo rin na Commander ng Provincial Police Force ng 113th Base Command ng MILF.
Sinabi nito na si Red Eye at grupo nito ay kabilang sa lawless groups na nag-ooperate sa Zamboanga Peninsula at iba pang lalawigan ng Western Mindanao na sangkot sa kidnapping for ransom, extortion at iba pang illegal money-making schemes.
Samantala, ang anak naman ni Red Eye na si Julmin Muloc ay sangkot naman sa drug trafficking.
Ang mag-ama ay nakilala ng mga otoridad sa CCTV footage ng UrChoice pizza parlor ni Del Torcio na kabilang sa 11 armadong kalalakihan na tumangay sa biktima noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi naman ni AFP-Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Rustico Guerrero na hindi nila inaalis ang posibilidad na maipasa ng grupo ni Muloc sa mga bandidong Abu Sayyaf si Del Torcio kaya’t patuloy ang naval blockade sa coastal areas ng Zamboanga Peninsula.