MANILA, Philippines – Isang pulis nakatalaga sa Malabon Police Station ang ipinasibak na kahapon sa puwesto ni Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento matapos na makunan ng video ng isang tv news crew na natutulog sa kaniyang duty kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Sarmiento, hindi patas sa mga pulis na naka-deploy lalo na sa mga lansangan habang ang kanilang mga kasamahan ay natutulog lamang pala habang naka-duty sa mga himpilan.
Kinilala naman ni Northern Police Director P/Chief Supt. Greg Reyes ang nahuling natutulog na pulis na si PO2 Luis Alojacin, nakatalaga sa Malabon Police Community Precint 8.
Iniimbestigahan na si Alojacin bunga ng insidente na nakunan mismo ng ebidensya ng isang television network. Nasibak din sa puwesto ang Precint Commander ng nasabing himpilan kaugnay naman ng isyu ng command responsibility.
Nagbabala ang kalihim sa mga pulis na pagbutihin ang tapat na pagseserbisyo sa bayan upang hindi masampulan ng pagsibak sa puwesto.