MANILA, Philippines - Nakatakdang siyasatin ng Department of Justice (DOJ) kung may katotohanan ang napaulat na pagkakasangkot ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagtatago ng magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes, na sinasabing mga utak sa pamamaslang sa brodkaster na si Doc Gerry Ortega noong Enero 2011.
Inatasan na ni Justice Secretary Leila De Lima ang Witness Protection Program (WPP) na beripikahin ang impormasyon na nakalap ng Philippine National Police (PNP) na nag-uugnay kay Mercado hinggil sa pakikipag-ugnayan umano nito sa magkapatid habang nagtatago matapos ang nasabing pagpatay.
Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi naman agaran silang magsasagawa ng parallel investigation dahil napaka-sensitibo aniya, ang mga bagay na may kaugnayan sa WPP. Kailangan muna umanong matiyak o maberipika kung totoo.
Una nang nanawagan sina Vice President Jejomar Binay at Whistleblowers Association of the Philippines sa pangunguna ni Sandra Cam para imbestigahan ang pagkakadawit ng pangalan ni Mercado sa magkapatid na Reyes na nakakausap nito sa cellphone habang nagtatago, kasabay ng hiling na tanggalin na ito sa WPP.
Kabilang sa sinisilip ang pakikipag-komunikasyon gamit ang cellular phone ni Mercado habang nasa kustodiya ng WPP na isa umanong paglabag sa kondisyon.
Iginiit pa ni Cam na may A-1 information siya ukol sa ibinunyag at sinabi niya rin na kaya magkakilala ang Reyes brothers at si Mercado dahil sila ay magkakasama sa bisyong pagsasabong ng manok.
Nais ni Cam na imbestigahan ng Senate o House of Representatives ang nasabing isyu laban kay Mercado dahil may duda siya na maging impartial ang DOJ.
Si Mercado ay nasa ilalim ng kustodiya ng WPP kaugnay sa pagtestigo nito sa katiwalian na inimbestigahan ng Senado laban kay Binay at sa pamilya nito.