MANILA, Philippines - Nanawagan si dating Interior and Local Government secretary Rafael Alunan III kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na sundin ang Supreme Court (SC) sa utos na iproklama ang dalawang nanalong nominee ng Senior Citizens Party-List noong 2013 elections.
Ayon kay Alunan, nakalulungkot na maghahalalan na naman sa 2016, pero hindi pa ipinoproklama ng Comelec ang dapat na mga kinatawan ng nakatatanda sa Kongreso.
“Mahigit dalawang taon na ang inagaw ng Comelec sa may walong milyong senior citizen sa buong bansa dahil mismong SC ang nag-utos na magproklama ang ahensiya ng tig-isa sa magkahiwalay na paksiyon ng Senior Citizens Party-List pero hindi tumalima ang noo’y chairman na si Sixto Brillantes,” ani Alunan.
Para kay Alunan, kung may kinatawan ang Senior Citizens sa Kongreso, magagampanan nito ang tungkulin para habulin ang wastong benepisyo ng lahat ng beterano na ayaw bayaran ng pamahalaan at matutupad ang mandatory coverage sa PhilHealth ng lahat ng nakatatanda sa bansa.