MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 21-anyos na mister matapos na hambalusin ng kawayan sa ulo ng tatlong lalaki kabilang ang nanliligaw sa kanyang misis kamakalawa ng gabi sa Bagong Lipunan, Brgy. 2 Poblacion, Vinzons, Camarines Norte.
Ang nasawi ay kinilalang si Joel Mago, residente ng Purok 2, Calangcawan Norte ng nasabing bayan.
Naaresto ang dalawa sa tatlong suspek na sina Brixon Dimas, 24, binata, ng Brgy 1, Poblacion at Richard Delos Santos, 24, binata, ng Brgy Mancawayan, Calaguas Islands.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago nangyari ang krimen dakong alas-8:00 ng gabi ay nagtungo ang biktima at kaibigan na si Manuel Paor sa Bagong Lipunan para uminom ng alak sa isang tindahan doon.
Dito ay nakita ng biktima ang isang lalaki at kinompronta kung bakit nililigawan ang kanyang misis.
Kaagad umalis ang nasabing lalaki at ilang sandali ay bumalik ito kasama sina Dimas at Delos Santos na mga armado ng kawayan at walang kaabog-abog na pinagtulungang hambalusin sa mukha at ulo ang biktima.
Nagsitakas ang tatlong suspek at ang una ay dinala sa ospital, subalit namatay ito sa daan pa lamang.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad at naaresto sina Dimas at Delos Santos habang pinaghahanap ang isang kasama na siyang nanliligaw sa misis ng biktima.