MANILA, Philippines - Kinondena kahapon ni Senate President Franklin Drilon ang malaswang palabas sa birthday celebration ni Laguna Congressman Benjie Agarao na kasapi ng Liberal Party.
Ayon kay Drilon, vice chairman ng LP nalungkot at nadisyama siya sa nasabing insidente at hindi niya ito kukunsintihin.
Nakunan ng video ang malaswang pagsasayaw sa stage ng grupo na tinawag na “Playgirls” na sinasabing kinuha at regalo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino para sa birthday celebrant bagaman at itinanggi na ito ng opisyal.
Si Tolentino ay isa sa mga kandidatong senador ng LP.
Sinabi pa ni Drilon, ang nasabing malaswang gimik ay hindi katanggap-tanggap sa mga miyembro ng partido at inaasahang dapat magpakita ng tamang ugali at moralidad ang hindi makasunod dito ay walang puwang sa kanilang hanay.
Kumalat ang video at mga larawan ng mga nagsasayaw na sexy dancers sa social media at mayroon pang nagsabi na dapat magpalabas ng public apology ang LP.
Dahil tumutuwad ang mga sexy dancers habang mistulang nakikipagtalik may mga netizens na bahagi ito ng Tuwad na Daan ng partido.
Nangako si Drilon na paiimbestigahan ang insidente at hindi nila hahayaang mabahiran ang pangalan ng partido ng nasabing “isolated case”.
Maging ang mga kababaihang solon na opisyal at miyembro ng LP ay nainsulto at hindi nagustuhan ang malaswang pagsasayaw ng grupong “playgirls” sa kaarawan ni Agarao.
Tinawag nina LP Secretary General at Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato, Batanes Rep. Henedina Abad, Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Akbayan partylist Rep. Kaka Bag-ao na malaswa at “gross insult” sa karamihan kabilang na sa tatlong miyembro ng nasabing grupo ang nasabing insidente.
Para naman kay Robredo, walang puwang sa kanilang partido ang kahit anong gawain na niyuyurakan ang karapatan at dignidad ng kababaihan.