MANILA, Philippines - Apat-katao ang bumulagta habang anim pa ang nasugatan makaraang bombahin ang convoy ng bise alkalde sa Barangay Sunrise, Isabela City, Basilan noong Huwebes ng hapon.
Sa ulat, sinabi ni Captain Roy Trinidad, spokesman ng AFP Task Force Zambasulta ( Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi), naitala ang insidente dakong ala-1:01 ng hapon malapit mismo sa bahay ni Isabela City Mayor Cherrylyn Santos-Akbar.
Kasalukuyang bumabagtas sa nasabing lugar ang convoy ng sasakyan ni Isabela City Vice Mayor Abdubaki Ajibon nang biglang sumabog ang bomba sa gilid ng highway.
Sa nasabing insidente ay namatay ang tatlong security escort ni Ajibon na sina Gregorio Delgado, Muhaimin Jalil, isang alyas Maullah at ang sibilyang lulan ng motorsiklo na si Ramil Omar.
Samantala, ang mga nasugatan ay sina Sattar Abdul, Nurhaida dela Cruz, Amlan Sali Adam, Tupay Kalbi, Florante Agustin, at si Grace Manuel Flores.
Sinabi ng opisyal na napinsala rin sa pagsabog ang kulay itim na Toyota Hi-lux pickup (MTO-656) at isang Toyota Hi Ace van na may plaka namang AEA 4365.
Agad namang ikinordon ng pulisya at militar ang nasabing lugar kaugnay ng isinagawang post blast investigation.
Naghihinala naman ang mga awtoridad na inilagay ang bomba sa nakaparadang tricycle.
Inaalam pa ang motibo ng pagpapasabog kung saan isa sa sinisilip na anggulo ay ang banggaan sa pulitika.