MANILA, Philippines – Hinatulan ng 40 taon pagkabilanggo ni Quezon City Regional Trial Court Branch 94 Judge Roslyn Rabara-Tria si ex-Abra Governor Vicente Valera na napatunayang guilty sa kasong 2 counts of murder na may kinalaman sa pagpatay kay ex-Abra Congressman Luis Bersamin at police escort nito noong Disyembre 2006.
Labindalawang taon naman na makukulong sa iba pang akusado na sina Rufino Panday at Leo Bello sa kasong frustrated murder.
Batay sa record ng korte, Disyembre 16, 2006 ay pinagbabaril at napatay si Bersamin at bodyguard na si SPO1 Adolfo Ortega nang dumalo ito sa kasal ng anak sa Mount Carmel Church sa QC.
Nasugatan at naisalba ang buhay ng driver ni Bersamin na si Allan Sawadan.
Si Valera ay itinuro ng isang Freddie Dupo na siyang utak sa pamamaslang at ito ang naging matibay na ebidensiya ng korte laban sa mga akusado.
Sa testimonya ni Dupo na ang pagpatay kay Bersamin ay plinano noong 2005 sa isang beach house sa La Union na kung saan ay nandoon si Valera.
Si Rep. Bersamin ay kapatid ni Associate Justice Lucas Bersamin.