MANILA, Philippines - Nahaharap sa kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act si acting Makati Mayor Kid Peña dahil sa umanoy overpriced na birthday cake.
Makaraang kasuhan si Peña ng dati ring Vice Mayor ng Makati na si Bobby Brillante sa tanggapan ng Ombudsman ng graft kahapon.
Batay sa 27-pahinang complaints affidavit ni Brillante, sinabi nitong may 35 percent na mas mataas o mahigit P3-milyong overpriced umano ang ipinamimigay ngayong birthday cake ni Peña sa mga senior citizen ng Makati.
Bukod sa reklamo ay nanawagan din ito na agad suspendihin si Pena upang hindi umano nito maimpluwensiyahan ang isasagawang imbestigasyon.
Binigyang diin ni Brillante na pagkaupo ni Peña bilang acting Mayor ng Makati ay agad sinuspinde nito ang kontrata sa dating supplier ng cake na Timstate Food and Beverage Corporation/Bakerite Foods.
Pinaboran umano ni Peña ang Goldilocks Incorporated para sa P8.6-million cake supply hanggang December 31, 2015 nang hindi dumaan sa public bidding.
Iginiit ni Brillante na nilabag din ni Peña ang Section 18 at Section 65 ng Republic Act 9184 o ang Government Procurement Reform Act kayat dapat itong isailalim sa preventive suspension ng tanggapan ng Ombudsman.
Handa namang harapin ng kampo ni Peña ang kasong isinampa ni Brillante dahil sa walang basehan at pawang paninira lang sa reputasyon nito.
Nakakatiyak umano silang maibabasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na basehan para suportahan ito.-Angie dela Cruz, Lordeth Bonilla