MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng mga militar at pulisya ang natagpuang speedboat na sadyang pinalubog ng mga di-kilalang kalalakihan sa karagatan ng Omar sa Sulu, kahapon ng hapon.
Pinaniniwalaang ginamit ng armadong grupo na dukutin ang tatlong banyaga at isang Pinay mula sa Samal Island sa Davao.
Ayon kay Joint Task Group Sulu Commander Brig. Gen. Allan Arrojado, kasalukuyang bineberipika rin kung ginamit din sa pagtakas ng mga kidnaper ang natagpuang Bangka.
Nabatid din na may nadiskubre na ring bangkang de-motor ang mga awtoridad sa karagatang sakop ng Barangay Silangkan sa bayan ng Parang, Sulu noong Biyernes ng umaga.
Gayon pa man, walang namataang lulan ang dalawang Canadian, isang Norwegian at isang Pinay.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang operasyon laban sa mga kidnaper na hawak pa ang mga biktima.