CEBU, Philippines – Dalawang katao ang nasawi kabilang ang isang ginang nang mamaril ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Namatay noon din ang biktimang si Joel Baysa, 36, civil security unit ng #103 Adante St., Barangay Tañong ng nasabing lungsod.
Namatay habang dinadala sa pagamutan si Marissa Brondo, 44; habang nasugatan sina Clareto Tenolete, 39 at Andrea Mae de Ocampo, 7, pawang taga C-4 Road, 1st St., ng nasabi ring barangay.
Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon sa kahabaan ng C4 Road, Barangay Tañong ng nasabing lungsod ay ipinarada ni Baysa ang kanyang motorsiklo at habang naglalakad sa eskenita ay biglang sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril si Baysa na kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang tatlong iba pa.
Narekober ng mga rumespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang 11 basyo ng bala ng baril habang nakuha naman sa katawan ni Baysa ang isang maliit na sachet ng pinaghihinalaang shabu.
May kinalaman sa droga ang isa sa mga motibong iniimbestigahan ng pulisya hinggil sa naganap na pamamaslang.