Sembreak pamalit sa 4-days na walang pasok
MANILA, Philippines - Inihayag ng pamunuan ng Federation of Association of Private Schools and Administrators (FAPSA) na gamitin ang semestral break bilang pamalit sa apat na araw na walang pasok ang mga estudyante dahil sa gaganaping APEC meeting sa bansa.
Ayon kay Eleazar Kasilag, presidente ng FAPSA, sa halip na ang araw ng Sabado o Linggo ang gamitin bilang make-up class ang apat na araw na walang pasok ay huwag na lamang magkaroon ng sembreak sa halip ay papasukin na lang ang mga mag-aaral.
“Kung sa Oct. 26-30 ang semestral break ang gagamitin ay hindi na mahihirapan pa ang mga estudyante at mga guro para mag-adjust sa sitwasyon,”pahayag pa ni Kasilag.
Sa tingin ni Kasilag, kakaunti ang dumadalo sa klase tuwing Sabado at pati mga guro ay apektado rin dahil kailangan nilang gumawa ng lesson plans, gawaing bahay at bigyan na rin ng pahinga ang mga bata tuwing Sabado.
Bagama’t magkakaroon ng kaunting pagbabago sa kalendaryo ng paaralan dahil ang Nobyembre ay simula na ng second sem at ang enrollment iskedyul ng mga paaralang trimester ang set-up ay kailangan na baguhin din.
Naniniwala si Kasilag na walang magiging problema kung iaanunsiyo ito ng mas maaga ng Department of Education (DepEd).
Ginawa ni Kasilag ang kanyang pahayag dahil sa kautusan ng DepEd sa lahat ng schools division superintendents sa Metro Manila na magdaos ng make-up class sa paaralan sa Metro Manila tuwing Sabado dahil APEC meeting sa bansa.
- Latest