MANILA, Philippines - N apatay ang 23-anyos na lalaki na sinasabing notoryus na holdaper matapos itong pagsasaksakin ng hindi pa kilalang lalaki na pinaniniwalaang kabaro nito noong Sabado ng umaga sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Joel Camara ng Block 9 Lot 5 Samatad Compound sa Tanigue Street, Brgy. 14 sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang pananaksak kay Camara sa loob ng Aladdin Compound sa tapat ng Safari Corporation sa Brgy. 14.
Isinugod pa sa CCMC ang biktima ngunit nalagutan din ng hininga habang ibinibiyahe dahil sa dami ng saksak na tinamo nito.
Blangko naman ang mga pulis sa pagkakakilanlan ng suspek.
Sa background check ng pulisya, lumilitaw na sangkot sa serye ng panghoholdap si Camara.
Pinaniniwalaang kasamahan ni Camara ang nasa likod ng pamamaslang.