MANILA, Philippines – Hinihinalang hindi nakayanan ng isang 63-anyos na lolo ang tama ng ininom nitong “sex enhancer” matapos itong atakihin sa puso habang makikipagtalik sana sa isang bayarang babae sa loob ng inupahang hotel kamakalawa ng gabi sa Old Sta. Mesa, Sta. Mesa, Maynila.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Lourdes Hospital ay kinilalang si Jake Tesorero, upholstery contractor at residente ng Arciaga St., San Juan, City.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng gabi ay nag-check in ang biktima sa Prince Court Hotel para sa dalawang oras na short time kasama ang isang bayaring babae na itinago sa pangalang Magda.
Hindi pa man umano nagsimula ang pagtatalik ay napansin na ni Magda ang biktima na tila may dinaramdam sa katawan at nagsabing pagod na pagod at ilang sandali ay bigla itong nag-collapse.
Tumawag ang babae sa staff ng hotel para madala sa pagamutan, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Malaki ang hinala ng pulisya na peke ang ininom na sex enhancer o pampagana sa pagtatalik na hindi nakayanan ng puso nito.