MANILA, Philippines – Apat katao ang naiulat na nasawi sa pamamaril sa magkahiwalay na lugar sa Pangasinan at North Cotabato.
Namatay noon din ang mga biktimang sina Jose Rocero Macaalay, 55 at Bernardo Moyargas, 66 matapos na pagbabarilin habang sakay ng tricycle sa national road ng Brgy Sta. Maria, San Jacinto, Pangasinan noong Biyernes.
Nilalapatan ng lunas ang dalawa pang sugatang pasahero ng tricycle na sina Dory Quiros, 45; at Maria Lourdes Rodolfa, 50; pawang mga vendor.
Sa ulat, dakong alas-4:45 ng hapon habang bumabagtas ang mga biktima lulan ng tricycle sa kahabaan ng national road sa lugar nang mag-overtake ang kulay puting SUV na sinasakyan ng mga suspek at agad na sila ay pinagbabaril.
Sa North Cotabato, nabaril at napatay din ang mga biktimang sina Anwar Sumplay at Taib Tuanadatu, nasa hustong gulang at residente ng Sitio Marabuay, Barangay Bao, Alamada.
Lulan ang mga biktima ng isang motorsiklo galing sa kanilang bahay patungo sa bayan ng Libungan at pagsapit sa Sitio Patel, Brgy. Bao Alamada, ay pinagbabaril sila ng mga hindi pa kilalang mga suspek na armado ng M1 garand rifles at M16 armalite rifles.
Hinihinala ng pulisya na awayan sa pamilya o rido ang motibo ng pagpatay.