MANILA, Philippines - Nasawi ang dalawang pahinante habang malubha namang nasugatan ang driver nang aksidenteng mahulog sa malalim na kanal ang sinasakyan nilang truck kamakalawa sa kahabaan ng Purok 6, San Miguel, Manolo Fortich, Bukidnon.
Namatay noon din ang mga biktimang sina Jessie Mantala, 40 at Dodong Pacquiao, nasa hustong gulang. Habang nasa malubhang kalagayan ang driver na si Rene Boy Sakayan, 25.
Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-3:30 ng hapon sa kahabaan ng highway ng nasabing lugar ay bumabagtas ang Isuzu truck dropside (GLK-596) na minamaneho ni Sakayan nang ito ay mawalan ng preno at nahulog sa malalim na kanal sa tabi ng highway.
Kaya’t tumilapon ang dalawang pahinante na agad nilang ikinamatay habang si Sakayan ay nasugatan at dinala sa pagamutan.
Nabatid na ang truck ay puno ng kargang papel mula sa Census Office sa Malaybalay City at patungo sana sa Cagayan De Oro City nang mangyari ang trahedya.