MANILA, Philippines - Nauwi sa shootout ang isang buy bust operation na ikinasawi ng apat katao kabilang ang isang pinaghihinalaang big time drug dealer naganap kahapon ng umaga sa Brgy. Minuyan, Norzagaray, Bulacan.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina alyas Sati na number 1 sa watchlist ng pulisya sa lalawigan, tatlong kasama nito na sina alyas Lotlot, Dindo at Deck pawang sangkot sa talamak na pagtutulak ng droga partikular ang shabu sa Norzagaray at iba pang lugar sa lalawigan.
Batay sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng pulisya matapos ang masusing surveillance operations hinggil sa ilegal aktibidades ng mga suspek.
Nakatunog ang mga suspek kaya’t nanlaban ang mga ito na nauwi sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig na agad ikinasawi ng mga suspek.
Narekober sa pinangyarihan ang isang cal. 22 revolver,isang cal 38 revolver, dalawang improvised explosive device, 12 gauge shotgun at isang granada, mga pinatuyong dahon ng marijuana at hindi pa madeterminang halaga ng shabu.