MANILA, Philippines - Ilang opisyales ng Liberal Party ang magsisipag ober da bakod umano sa partidong Nationalist Peoples Coalition (NPC).
Ito ang sinabi ni NPC spokesman at Quezon Rep. Mark Enverga, dahil ngayong araw ay manunumpa na ang mga bagong local officials ng LP sa kanilang partido mula sa ibat-ibang lalawigan tulad ng Quezon at Laguna.
Ang dahilan umano ng pag o- ober da bakod ng mga local officials ng LP ay dahil ang NPC ay tiyak ng susuportahan ang Poe-Chiz tandem sa 2016 presidential elections.
Agad naman itong itinatanggi ni LP spokesman at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na nagsisikalasan na ang mga miyembro ng partido dahil sa pagdeklara nina Senators Grace Poe at Chiz Escudero.
Anya, marami pa ang gustong sumapi sa LP yun lamang ay hindi nila maasikaso dahil wala pa silang active recruitment sa ngayon.
Naging maugong ang balitang marami sa mga miyembro ng LP at koalisyon nito mula sa ibang partido ang kakalas ng suporta kay LP standard bearer Mar Roxas para magbigay ng suporta sa tatakbong Pangulo na si Poe.