MANILA, Philippines - Pormal nang inanunsyo kahapon ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang kanyang pagtakbo bilang Bise Presidente at makakatambal nito si Senador Grace Poe na una nang naghayag ng kanyang kandidatura sa UP Bahay ng Alumni noong Miyerkules ng gabi.
Mismong si Poe ang nagpakilala kay Escudero sa ginawang pagtitipon ng kanilang mga supporters sa Kalayaan Hall ng Club Filipino sa San Juan.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga taga-suporta, ipinahayag ni Escudero ang pagtanggap sa alok ni Poe na makatambal siya sa darating na halalan.
“Tinatanggap ko ng may buong tapang at pagkukumbaba ang hamon ni Senator Grace na maging katuwang niya sa mga landas na kanyang tatahakin sa mga susunod na araw.”
Sinabi ni Poe sa kanyang talumpati na komportable siyang tumakbo kasama si Escudero na naging tagapagsalita ng kanyang amang si Fernando Poe Jr. ng kumandidato itong presidente ng bansa.
Tiwala umano ang senador sa katangian at kakayahan ni Poe.
Inilahad din nito ang mga layunin ng tambalang Grace-Chiz na tinawag niyang “gobyernong may puso.” at ipinangako na “walang maiiwan at walang iiwanan”.
Nagpahayag din si Escudero ng pagsuporta sa pagpasa ng Freedom of Information Bill at paggamit ng kamay na bakal sa mga tiwali.
Sa kabila ng pag-anunsyo ng kandidatura, nananatili pa ring independent candidates si Poe at Escudero.”Pilipinas po ang partido namin ni Senator Poe at ang mga Pilipino ang aming itinuturing (na) mga kapartido.”