MANILA, Philippines – Suportado ni Vice President Jejomar Binay ang pagpapababa ng income tax sa bansa kasabay ang pangako na pag-iibayuhin ang paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng social services kung siya ang mahahalal ng presidente ng bansa sa 2016.
Anya, dapat ay patas ang umiiral na tax system at dapat mas mataas ang bayarang buwis ng mga sumusuweldo ng malaki kaysa sa mga maliliit ang suweldo.
“Our tax system must be seen as fair—meaning, those with fat pay checks pay higher taxes than those whose pay checks are less—and inflation-adjusted tax brackets, even if it will result in short-term reduction of tax revenues, is only just,” ani Binay sa isang forum.
Ayon kay Binay na base sa pahayag ng Management Association of the Philippines, yung mga kumikita ng nasa P500,000 isang taon ay pinapatawan ng 32 porsiyentong income tax na pinakamataas sa Asia.
Sa kabila aniya ng nakabinbing 17 panukalang batas tungkol sa income tax sa Kongreso, kahit isa ay walang inaasahang papasa sa mga ito.
“Kung hahayaan natin ito at hindi tayo kikilos na maamyendahan ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, darating ang araw na ang tax rate ng mga guro, pulis, sundalo, at nars ay sintaas na ng tax rate ng mga milyonaryo sa bansa,” ani Binay.
Dapat din na ibaba ang corporate income tax rate para mas maka-enganyo ng mga foreign investors.
Ipinangako ni Binay na papalakasin maging ang sektor ng agrikultura kapag nahalal na Pangulo ng bansa.