MANILA, Philippines – Limang miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang dalawa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga kalalakihan na naka-bonnet ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi Brgy. Victory, Calbayog City, Samar.
Kinilala ng mga nasawi na sina Sonny Regulacion, 38, magsasaka; Adela Regulacion, 48; Cristina Regulacion, Angela Mae Regulacion at Christine Joy Regulacion, 5.
Ang dalawang nasugatan ay dinala sa pagamutan ay kinilalang sina Marlene Regulacion, 40 at Wendy Regulacion, 7.
Sa ulat na nakarating kay Calbayog City Police Director P/Supt. Ernesto Salvador Tagle, dakong alas-10:00 ng umaga nang sumulpot ang mga armadong kalalakihan na naka-bonnet ang mukha sa bahay ng pamilya Regulacion at walang sabi-sabing pinagbabaril.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.
Kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga otoridad ang motibo ng krimen.