MANILA, Philippines – Binaril at napatay ng isang Philippine Army reservist ang isang 47-anyos na lalaki na nangungulit at nangangantiyaw sa kanya sa hindi pagputok ng baril nito kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Namatay noon din dahil sa apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rodolfo Barbosa Jr. alyas RJ, residente ng M. Dela Fuente St., Sampaloc, Maynila
Agad naaresto ang suspek na nakakulong na ngayon na si Rony Belezario, 43, PA Reservist, binata, kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen pasado alas-4:10 ng madaling araw sa kanto ng Arevalo at M. Dela Fuente Sts., sa nasabing lugar ay kinukulit umano at kinakantiyawan ng biktima ang suspek tungkol sa dala nitong baril na umano ay hindi pumuputok.
Sa sobrang pikon ng suspek ay binaril nito nang sunod-sunod ang biktima na nasaksihan ng isang 12-anyos na lalaki na bumibili ng pandesal.
Noong una aniya ay hindi niya pinansin ang putok ng baril ngunit nang sundan pa ito ng ikalawang putok ay kanya ng sinilip ang pinagmumulan.