MANILA, Philippines – Wala nang makakapigil sa hanay ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police na magpataw ng parusa sa sinumang mahuhuling lalabag sa batas trapiko sa kahabaan ng Edsa.
Ayon kay P/Senior Supt. Oliver Tanseco, tagapagsalita ng HPG, sisimulan na ngayon ang paniniket sa mga motoristang lalabag sa batas-trapiko bilang paghihigpit sa programang ipinapatupad para maisaayos ang daloy ng sasakyan sa Edsa.
“Zero tolerance” sa kalsada, at bawal na ang mga bus na na-iistasyon, nagte-terminal, nagbababa sa mga hindi tamang babaan o loading and unloading area, hindi lamang sa mga pampasaherong bus at taksi kundi maging sa lahat ng sasakyan na bibiyahe sa Edsa” pahayag ni Tanseco.
Dapat na sundin ang 30-segundong polisia sa mga bus na nagbaba at nagsasakay dahil kapag sumobra ito ay maaring ituring na siyang lumalabag o nagte-terminal sa lugar.
Hindi na rin maaaring magparada ng basta-basta ang mga sasakyan sa gilid ng kalye o bangketa maging sa ilalim ng mga flyover upang hindi makasagabal sa daloy ng mga sasakyan.
“Ang programa ng pamahalaan ay long term solution sa Edsa na dapat tugunan kasama na ang paglalagay ng alternate route para hindi lamang isa ang pinupuntahan ng mga motorista kundi may alternatibong daan,” dagdag pa ni Tanseco
Gayon pa man, isa lamang umano ang tamang paraan na maaaring makatulong sa ganitong problema kundi ang pagkakaroon ng disiplina ng bawa’t motorista.