Donasyon sa Legazpi City… P20-M traffic lights pinalagan ni Tolentino
MANILA, Philippines – Pinalagan at itinanggi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang paratang ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na umabot sa P20 milyon ang halaga ng traffic lights na kanyang ibinigay sa lokal na pamahalaan ng Legazpi City, Albay.
“Wala pong basis ang P20 milyon. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang amount na ‘yan. That’s very unfair,” wika ni Tolentino sa isang radio interview.
Ayon kay Tolentino, gumastos lang ang MMDA ng P39, 000 para ihatid ang mga nasabing traffic lights sa Legazpi City.
Pagkatapos, ang LGU na ang sumagot sa repair, repainting at rewiring ng traffic lights para ito’y gumana.
“I have documentary evidence to back-up my claim,” dagdag pa ni Tolentino.
Iginiit ng MMDA chairman na karaniwan na sa ahensiya ang pamimigay ng extra at sirang traffic lights sa iba’t ibang LGUs, kahit noong kapanahunan ng kanyang pinalitan.
“Ever since the time of my predecessors, nagbibigay na po ng mga spare, mga junk. May request ang Legazpi City na kung maaari iyong isang intersection nila ay bigyan ng traffic lights. Ang ibinigay namin ay junk, end of life material,” pahayag pa ni Tolentino.
Sa nakalipas, ipinunto pa ni Tolentino na namimigay din ng iba’t ibang tulong ang MMDA sa maraming LGUs sa bansa ngunit hindi ito nakuwestiyon.
“Kung inyong maalala, nagpamigay kami ng mga tent nang magkaroon ng malakas na lindol sa Bohol pero wala namang kumuwestiyon doon,” wika ni Tolentino.
- Latest