Pinoy workers pinag-iingat sa ‘third country recruitment’
MANILA, Philippines – Binalaan ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Hans Leo J. Cacdac ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyan nang nagtatrabaho sa ibang bansa na huwag tumanggap ng alok na trabaho mula sa third country.
Ginawa ng POEA makaraang nakatanggap ng ulat mula sa Philippine Embassy sa Turkey hinggil sa kaso ng isang Pinay household worker na walang trabaho ngayon sa Ankara, Turkey matapos na iwanan ang kanyang dating employer sa Hong Kong.
Ayon sa Pinay nagtatrabaho siya sa Hong Kong nang i-recruit ng isang recruitment agency na nakabase sa Ankara.
Ang recruitment agency ay nagsimulang magpadala ng mga Pinoy workers mula sa Hong Kong patungong Turkey noong Nobyembre 2014 kapalit ng placement fee na US$3,000.
Napapayag ang Pinay na lumipat at nagbayad ng HK$19,000 matapos na pangakuan ng mas magandang trabaho na may mataas na suweldo sa Turkey.
Pagdating sa Turkey noong Mayo 2015, sandali lamang siyang nagkaroon ng trabaho at na-terminate sa loob lamang ng 45 araw.
Ipinaliwanag naman ni Cacdac na ang ‘third-country recruitment’ ay illegal dahil ang recruiter at employer ay walang lisyensya o otorisasyon para mag-recruit mula sa POEA.
- Latest