MANILA, Philippines – Ipapatupad ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang “no contact apprehension policy” sa mga mahuhuling pampasaherong bus na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Arnold Gunnacao na ang “no contact apprehension policy” ay upang hindi na makasagabal pa at makadagdag sa problema sa trapiko kapag may mga nahuhuling mga lumalabag na motorista partikular na ang mga pampasaherong bus.
Kukunan lamang ng larawan ng PNP-HPG traffic enforcers ang numero ng plaka ng mga pampasaherong bus na lumabag sa trapiko sa EDSA at ang ticket violation ay ipadadala na lamang sa mga kumpanya ng bus sa pakikipagkoordinasyon sa Land Transportation Office at Land Transportarion, Franchising ang Regulatory Board (LTFRB).
Kukunin rin ang pangalan ng mga driver, lisensya ng mga ito at ililista ang plaka ng bus at maging body number.
Sa pamamagitan ng nasabing polisiya ay maiiwasan ng PNP-HPG traffic enforcers ang tumanggap ng suhol at mangotong sa mga bus drivers gayundin sa mga konduktor.
Umpisa ng pangasiwaan ng PNP-HPG traffic enforcers ang pagmamando sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA nitong Setyembre 7 hanggang Biyernes ay nasa 300 behikulo na ang nahuling lumabag sa batas trapiko.
Bukod dito ay umpisahan bukas ay sisimulan ang pagsasara ang mga u-turn slots partikular sa may bahagi ng Trinoma sa North Avenue, isa sa anim na chokepoints na mga pangunahing sanhi ng pagsisikip ng daloy trapiko sa EDSA.