MANILA, Philippines - Kinasuhan ng graft si ex-4th district Isabela Representative Anthony Miranda matapos na makakita ng probable cause ang Ombudsman nang ilagay nito ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng P20,060,000.00 sa sarili nitong NGO.
Si Miranda ay kinasuhan ng 2 counts ng Sections 3(e) at 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) at 2 counts ng Malversation (Article 217, Revised Penal Code ).
Kasama sa kinasuhan ang mga opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina ex-Director Antonio Ortiz, ex-Deputy Director Dennis Cunanan, Chief Accountant Marivic Jover,Group Managers Maria Rosalinda Lacsamana at Francisco Figura, ex-Legislative Liaison Officer Belina Concepcion at Aksiyon Makamasa Foundation, Inc. (AMFI) representatives Domingo Mamauag at Edison Sabio.
Sa 41 pahinang resolosyon ng Ombudsman, nakasaad dito na ang PDAF ni Miranda na may halagang P20,060,000.00 ay sinabing inilaan sa livelihood projects sa kanyang distrito pero lumilitaw na wala namang naisagawang proyekto para dito ang dating mambabatas sa kanyang distrito.
Sinasabing sa halip na kontrolin ni Miranda ang naturang pondo idinaan ang pondo sa kanyang sariling NGO na AMFI.
Ang AMFI ay isang non-stock at non-profit association incorporated na tumatayong chairman nito ay si Miranda.
Hanggang sa ngayon, ang P20M PDAF ni Miranda ay nananatiling unliquidated.