MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang 28-anyos na binata na may diperensiya sa pag-iisip nang ito ay pagtatagain ng sariling ama na napahiya sa mga kainuman matapos itong pumunta sa isang birthday party kamakalawa ng gabi sa Brgy. Pudtol, Apayao.
Ang biktima ay kinilalang si Dominick Adriano, mabilis na isinugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas ang mga natamong taga sa katawan.
Ang suspek na tatay nito ay si Domingo Adriano, 51, magsasaka ay kinasuhan ng frustrated parricide.
Batay sa ulat ng Cordillera Police, bago nangyari ang pananaga dakong alas-10:45 ng gabi ay nakikipag-inuman si Domingo sa bahay ng kumpare nito na nagdiriwang ng kaarawan.
Dito ay dumating ang biktima para sunduin ang ama para pauwiin dahil sa malalim na umano ang gabi.
Napahiya ang tatay na noon ay lasing kaya’t sinaway ang retarded na anak hanggang sa nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-ama dahil sa pagpupumilit na isama ang una ng anak pauwi sa kanilang bahay.
Ilang minuto matapos namang makaalis ang anak ay sumunod na umuwi ang matandang Adriano at pagdating sa kanilang bahay ay kumuha ng itak at pinagtataga ang anak na kahit may tama ay nagawang makatakas sa galit na galit na ama.
Rumesponde ang mga otoridad at inaresto ang suspek.