MANILA, Philippines – Bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA sa unang araw nang pagmamando ng PNP-Highway Patrol Group (PNP) traffic enforcers.
Ito ang assessment na inihayag kahapon ni PNP –HPG Director P/Chief Supt. Arnold Gunnacao na sinabing basta’t tulong–tulong ay maaayos ang matinding daloy ng trapiko na siya nilang misyon sa EDSA alinsunod sa direktiba ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III at PNP Chief Director General Ricardo Marquez.
Pinangunahan ni Gunnacao, ang clearing operations ng mga behikulong naka-illegal parking sa Balintawak area, isa sa anim na mga chokepoints na matindi ang trapiko gayundin ang pagpapaalis sa mga vendors na nakakasagabal sa biyahe ng mga sasakyan.
Ayon naman kay PNP Chief Gen. Marquez, na huwag asahan ang agarang ‘magic’ sa EDSA dahilan hindi porke’t nakadeploy na rito ang PNP-HPG operatives ay mawawala na ang malalang daloy ng trapiko manapa’y maiibsan lamang.
Sa panayam sa isang military officer na tumangging magpabanggit ng pangalan mula Fort Bonifacio hanggang sa Camp Aguinaldo ay gumanda umano ng konti ang daloy ng trapiko dahilan sa nagkaroon ng disiplina sa highway.
Gayunman, kung may natutuwa naman sa bahagyang pagluluwag ng trapiko ay mayroon ding ilang naiinis dahilan sa mga intersection naman umano sa re-routing area ng mga bumibiyaheng bus nagkabuhol-buhol ang trapiko.