MANILA, Philippines – Napatay ang 27-anyos na medical student na sinasabing pamangkin ng opisyal ng Department of Foreign Affair (DFA) matapos itong tadtarin ng saksak ay pinagnakawan pa ng sinasabing kanyang bf sa tinutuluyang apartment sa Sta. Rosa City, Laguna noong Sabado ng hapon, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa police report na isinumite kay P/Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Sta. Rosa City PNP, bandang alauna y medya ng hapon nang natagpuan ni Michell Vanessa Albano ang duguang katawan ng kanyang matalik na kaibigansi Paulo Miguel Rempis Catalla sa loob ng apartment sa Labrador Subdivision sa nasabing lugar.
Sinasabing si Catalla ay pamangkin ng Philippine Consul General sa Hong Kong na si Bernardita Catalla.
Kinilala naman ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na si Jun Francis Bertolazo, 19, estudyante ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Rosa City.
Inaresto ang suspek base sa closed-circuit television camera (CCTV) footage kung saan kasama nito ang biktima na pumasok sa nasabing apartment noong Huwebes ng gabi bago lumabas ito noong Biyernes ng madaling araw na may bitbit na itim na bag.
Inamin naman ng suspek na kasama niya ang biktima base sa CCTV footage pero hindi naman nagbigay ng detalya sa naganap na pamamaslang, ayon pa kay Maclang.
May teorya ang pulisya na si Bertolazo ay sinasabing “boyfriend” ng biktima, ayon kay Maclang.
Ayon pa kay Maclang na nawawala rin ang relo, Ipad, hindi nabatid na halaga ng pera, at ilang personal na gamit ng biktima.
Kasalukuyang nakapiit si Bertolazo sa himpilan ng Sta. Rosa City PNP at nahaharap sa kasong pagnanakaw at pagpatay.