MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagpapagawa ng Light Rail Transit line 4 at LRT line 6.
Ayon sa NEDA, ang LRT line 4 ay mag-uugnay sa SM City sa bayan ng Taytay, Rizal patungo sa intersection ng Ortigas Avenue at Edsa sa Quezon City.
Pinonduhan ng P42.89-bilyon ng gobyerno ang 11-kilometro na LRT line 4 project na sinasabing magbibigay ng ginhawa sa mga residente na patungo at palabas ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Samantala, ang LRT line 6 ay mag-uugnay naman sa Barangay Niyog, Bacoor City sa Cavite patungo ng Dasmariñas City, Cavite.
Pinonduhan ng pamahalaan ang LRT line 6 ng P64.71 bilyon na magbibigay naman ng kombinyente biyahe ng mga residente na palabas at papasok ng Cavite.
Ayon sa pamunuan ng Department of Transportation and Communication, layunin ng pamahalaan na bago bumaba sa puwesto si Pangulong Noynoy Aquino, chairman ng NEDA Board sa 2016 ay maisaayos at madagdagan ang mass transports system sa bansa.