Driver ng van na niratrat namatay na
MANILA, Philippines - Namatay na ang driver ng van na kabilang sa tatlong biktima ng pamamaril ng suspek na si Jose Maria Abaya sa kahabaaan ng Katipunan Avenue, Quezon City noong Martes ng gabi.
Nabatid na dakong alas-6:21 ng umaga nang kumpirmahin ng kaanak sa pulisya ang pagkamatay ni Ronebert Ycot, 36, empleyado ng Marikina City Hall, nakatalaga sa City Transportation Management Development Office (CTMDO) at nakatira sa No.19 Narra St., Mejia, Molave Neighborhood, Marikina Heights.
Si Ycot ay ang driver ng van na sinasakyan ng unang nasawi na si Joyce Santos, residente ng Barangka, Marikina City at sugatan si Duke Angelo David II, 20, binata, Brgy. Taniong Marikina City.
Sinampahan na kamakalawa ng gabi ng kasong murder at frustrated murder si Abaya, pero dahil sa pagkamatay ni Ycot ay hihilingin na amyendahan ang kaso sa two counts of murder.
Magugunita na walang habas na pinagbabaril ni Abaya ang minamanehong Hyundai Grace Van (TWJ-732) ni Ycot sakay ang dalawa pang biktima matapos na masiraan ito at pumarada sa tapat ng isang restaurant sa kahabaan ng Katipunan Avenue, Barangay White Plains na kung saan ay kumakain si Abaya.
Inakala ni Abaya na kukunin siya nito para dalhin sa rehab kaya’t pinagbabaril ang van gamit ang kalibre 40 baril.
- Latest