MANILA, Philippines - Dahil sa pagbuo at implementasyon ng Disbursement Accelaration Program (DAP) imbestigahan na rin ng Office of the Ombudsman sina Pangulong Noynoy Aquino, Budget Secretary Butch Abad at iba pang opisyal na umanoy sangkot sa pagbuo ng programa.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa pagdalo nito sa budget hearing ng House Committee on Appropriations na nagsasagawa na sila ng moto propio investigation sa DAP kasabay ng pagsisiyasat sa mga reklamong naihain sa kanilang tanggapan kaugnay dito kung saan sina Pangulong Aquino, Abad at iba pa ang respondent dito.
Sa katunayan umano ay mayroon na siyang nire-review na bahagi ng investigation report kaugnay ng DAP complaints na isasapubliko ang report na hindi naman kalakaran sa Office of the Ombudsman.
Nilinaw pa ni Morales na, naglalabas lamang sila ng desisyon kung approved for filing ang kaso base sa mga natuklasan nila sa isinagawang imbestigasyon.
Magugunitang naideklara kamakailan ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP.
Sinasabi din nina Associate Justices Antonio Carpio at Arturo Brion na dapat managot sina Aquino at Abad sa ginawang pagpayag na maimplementa ang DAP.
Sinabi na noon ni Carpio dahil sina Aquino at Abad ang nag-apruba at nag-isyu ng National Budget Circular (NBC) # 541 para sa DAP ay maikokonsidera silang may-akda ng naipatupad na programa.
Sinasabi naman ni Brion na kung naipatupad ang DAP in good faith, si Aquino at Abad ay mapoprotektahan ng doktrina para dito.