MANILA, Philippines - Nasawi ang lima kataong volunteer ng isang outreach program matapos na sila ay malunod nang tangayin ng malakas na agos ng tubig baha habang tumatawid sa ilog sa bayan ng San Jose, Tarlac kamakalawa.
Kinilala ni Tarlac Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Alex Sintin ang mga nasawing biktima na sina Mark Kevin Luna Villanueva; Rocky Tumalinog, 27, ng Batasan Hills, Quezon City; Bernadette Ramirez, 22 ng Cainta, Rizal; Joemarie San Diego ng Bocaue, Bulacan at Doreen Abriano ng Makati City.
Ang bangkay ng mga biktima ay magkakasunod na narekober kamakalawa ng hapon at gabi at ang huli ay bangkay ni Abriano na narekober kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon sa isang ilog sa Sitio Daag, Brgy. Iba, San Jose ay nagsasagawa ng outreach program ang mga biktima sa lugar at habang tumatawid sa ilog ay inabutan at tinangay sila ng malakas na baha bunga ng biglang pagbuhos ng malakas na ulan.
Agad namang inatasan ni Sintin ang mga operatiba ng San Jose Police para magsagawa ng search and rescue operations, subalit mga bangkay na nang ito ay marekober.
Nabatid na walang escort mula sa mga kinatawan ng Tarlac Tourism at maging sa lokal na pulisya ang mga biktima dahilan sa hindi umano ang mga ito nakipagkoordinasyon.