7 kompanya nag-rolbak ng oil price

MANILA, Philippines - Pito pang kompanya ng langis ang nagpatupad din ng  rolbak sa presyo ng produktong petrolyo bilang pagsunod sa patuloy na pagbulusok ng halaga ng langis sa pandaidig na merkado.

Una nang naiulat ang rolbak ng kumpanyang Petron habang sumunod naman ang kasama nito sa Big 3 na Pilipinas Shell at Chevron. 

Sa anunsyo ng Shell, dakong alas-12:01 ng Linggo ng madaling araw ang pagtatapyas nila ng P1.45 kada litro ng premium at unleaded gasoline habang P.70 sentimos sa kada litro ng krudo, at P.90 sentimos sa kada litro ng kerosene.

Ganito rin ang presyo na itinapyas ng iba pang kumpanya ng langis kabilang ang Chevron, PTT, Total Philippines, Flying V, Sea Oil at Phoenix Petroleum kahapon ng umaga.

Kasalukuyang nasa US$42.37 kada basket price ng krudo noong Agosto 28 kumpara sa US$59.46 presyo nito noong Disyembre 2014, ayon sa Organization of Petroleum Exporting Countries.

Ayon sa marketwatch.com na kabilang sa mga rason ng pagbaba sa presyo ng krudo sa pandaigdig na merkado ang pagbagsak ng ekonomiya ng Greece, pagtanggal sa sanction sa Iran na nangangahulugan ng pagdami ng suplay, pagtaas ng lokal na suplay ng krudo sa Estados Unidos, pangamba sa pagbaba ng ekonimiya ng Tsina, at pagtaas sa suplay ng mga bansang kaanib ng OPEC.

 

Show comments